Isang bangkay ng Pinay ang nakita sa loob ng maleta na nasa ilalim ng tulay sa Dubai, United Arab Emirates.

Sa ulat ng GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabi ni Consul General to Dubai Renato Duenas Jr., na pagsakal ang dahilan ng pagkamatay ng biktima.

Hindi na binanggit ni Duenas ang pangalan ng biktima dahil na rin sa kahilingan ng pamilya nito.

Hindi rin inihayag ang mga pangyayari kaugnay sa naturang krimen dahil patuloy pa umano ang imbestigasyon.

Gayunman, sinabi ng opisyal na kaagad namang naaresto ang suspek.

“The Philippines Embassy in Abu Dhabi are in touch with the family of the victim and were following closely the progress of the investigation,” ani Duenas.

“We have already the lawyer looking after the interest of the family of the victim,” dagdag niya.

--FRJ, GMA News