Posibleng hindi matuloy ang overseas voting na magsisimula sa Abril 10, 2022 sa ilang lugar sa labas ng bansa dahil sa iba't ibang dahilan tulad ng COVID-19 pandemic at mga kaguluhan.
Ayon sa Commission on Elections (Comelec), bukod sa Shanghai, China na naka-lockdown dahil sa COVID-19 pandemic, pitong bansa pa ang pinag-aaralan na suspindihin ang pagpapatupad ng overseas voting.
“I think we will be declaring a suspension of election in certain areas like in Baghdad, Iraq, Algeria, Chad, Tunisia, Libya, in Islamabad, Afghanistan, and in the Ukraine warzone,” ayon kay Comelec Commissioner Marlon Casquejo sa isinagawang news briefing kamakailan.
Nasa 127 umano ang rehistradong botante sa naturang mga bansa.
Samantala, nasa 1,600 Filipino voters naman ang apektado ng pagsuspindi ng botohan sa Shanghai.
“Recently, we approved in the en banc the suspension of voting, this coming April 10, for the post of Shanghai,” ani Cascuejo.
“Alam naman natin ang nangyari sa Shanghai there is an indefinite lockdown in Shanghai. But once the lockdown is, then we will proceed with the voting of Shanghai,” dagdag niya.
Ayon sa Comelec, mayroong kabuuang 1,697,215 na registered Filipino voters ang nasa labas ng Pilipinas.
Maaari silang bumoto sa mga posisyon ng pangulo, bise presidente, 12 senador at isang party-list group.
Magsisimula ang overseas voting mula Abril 10 hanggang Mayo 9, 2022. --FRJ, GMA News