Ilang Pinoy umano ang takot nang gumamit ng subway sa New York City sa pangambang mabiktima rin sila ng pananakit.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabi umano ni Consul General Elmer Cato, Philippine Consulate General sa New York, na may mga Filipino na takot nang maglakad mag-isa at sumakay sa subway kung saan nangyayari ang mga karahasan laban sa mga dugong Asyano, kabilang ang mga Pinoy.
Kamakailan lang, dalawang Filipino ang inatake at pinagnakawan pa ang isa sa Midtown Manhattan.
Ang unang biktima ay isang 73-anyos na Pinoy na itinulak at nasubsob sa semento sa 8th Avenue noong Linggo.
Ang ikalawang biktima ay 53-anyos na Pinoy na sinuntok, pinagsisipa at ninakawan ng pera noong Lunes habang nakapila sa isang fast food chain.
Sa loob pa lang ng tatlong buwan ngayon taon, anim na kaso na ng pag-atake sa mga Filipino ang naitala sa New York.
Ayon sa Philippine Consulate General, iniimbestigahan pa kung insidente ng hate crime ang nangyari sa dalawang huling insidente.
“Yung sa first incident involving the 73-year-old kababayan, he was saying he heard the suspect shout something but hindi niya maintindihan. So we could not say at this point if those were racial slurs,” ani Cato.
Noong nakaraang taon, nasa 34 na may lahing Filipino ang inatake o sinaktan sa New York.
“Kahit mahal, hindi na sila nagsa-subway, nag-u-Uber na lang. Yung iba nagdadala na lang ng sasakyan kahit mahal yung parking dito sa city just to avoid getting in situations like that,” sabi ni Cato.
Maliban sa mga self-defense webinars, may makikita ring “Stop Asian Hate” posters sa consular office sa New York.
Magsasagawa ng rally ang mga Filipino at Asian community sa Manhattan para kondenahin ang mga nangyayaring pag-atake.—FRJ, GMA News