NEW YORK - Muli na namang nabiktima ng pag-atake ang dalawang Pinoy sa magkahiwalay na lugar sa Midtown Manhattan sa New York.
Unang nabiktima ng pag-atake ang isang 73-taong-gulang na Pinoy sa 8th Avenue noong Linggo.
Sa video na inilabas ng New York Police Department Crime Stopper makikita kung papaano tinulak ng suspek ang biktima habang naglalakad patungo sa simbahan.
Nagtamo ng pasa sa mukha ang biktima na ngayon ay nagpapagaling na.
Agad namang nahuli ng mga rumespondeng pulis ang suspek na nakilala na si Dominick Staton, 44-taong gulang, kasalukuyang homeless.
Nitong Lunes, isa namang 53-taong-gulang na Pinoy din ang inatake sa isang fast food chain sa Midtown.
Inilabas ng NYPD Crime Stopper ang video ng pangyayari para humingi ng tulong sa publiko na makilala ang suspek.
Sa video, makikitang umoorder ng pagkain ang biktima nang bigla siyang lapitan at suntukin ng suspek.
Makikita rin sa video kung paano pinanood ng isang customer ang pambubugbog ng suspek sa biktima. Agad tumakas ang suspek tangay ang pera at cellphone ng biktima.
Nagtamo ng pasa at sugat sa mukha ang biktima na agad na isinugod sa ospital.
Inaalam pa ng NYPD kung may kaugnayan sa hate crime ang dalawang insidente.
Ito na ang pang-34 na insidente ng mga pag-atake sa Pinoy na naitala ng Philippine Consulate General sa New York.
Dalawang linggo na ang nakalipas nang may isang Pinay din ng binugbog ng isang suspek sa Yonkers, New York na ayon sa mga pulis ay unprovoked attack.
Muli na namang pinaalalahanan ni Consol General Elmer Cato ang mga kababayan sa New York na mag-ingat.
Isang rally ang inihahanda ng iba't-ibang grupo ng Filipino community para kundenahin ang sunod-sunod na pag-atake sa mga kababayan. —KG, GMA News