Hindi ikinakahiya ni Julie Belleza na siya ang posibleng kauna-unahang "Pinay" na sumabak sa dumpster diving o nangunguha ng mga mapapakibangan pang produkto mula sa basurahan sa Finland.
Sa panayam ng "Mars Pa More," ipinaliwanag ni Belleza na hindi naman literal na katulad ng pangangalakal ng basura o pamamasura sa Pilipinas ang dumpster diving sa Finland o maging sa ibang Western countries.
Ayon kay Belleza, bukod sa malinis ang mga basurahan sa Finland, selyado at mag-e-expire pa lang ang mga produkto na kaniyang kinukuha sa mga supermarket doon.
"Ako, basically pumupunta po ako back of the gates ng mga supermarket dito sa Finland," kuwento niya. "Yung mga kinukuha ko galing po siya straight from the supermarket na pa-expire na po ang item."
Dahil sa kaniyang ginagawa, sinabi ni Belleza na malaki ang natitipid nila dahil hindi na nila binibili ang mga produktong napapakinabangan pa.
One thousand hanggang one thousand euro daw ang natitipid nila sa isang buwan. Malaking bagay daw para sa katulad niyang minimum wage earner lang sa Finland.
Wala pa raw siyang alam na ibang Filipino na sumasabak din dumpster diving.
Natutunan daw niya ito matapos na isama ng kaniyang amo.
Pero kahit Pinay ang turing sa kaniya, napag-alaman na isang Thai ang tunay na ina ni Belleza, at Finnish ang kaniyang ama.
Kung papaano siya naging Pinay, alamin ang buong kuwento sa video, pati na ang madamdaming pagkikita nila ng kaniyang tunay na ina pagkaraan ng 25 taon. Panoorin.
--FRJ, GMA News