Pitong taon nang driver ng dambuhalang 18-wheeler truck ang isang Pinay na naninirahan sa Georgia, USA.

Sa segment ng "Eat Bulaga" na "Bawal Judgmental," ikinuwento ni Patricia, 54-anyos, na nagsimula siyang mag-drive ng dambuhalang truck noong 47-anyos siya.

Ayon kay Patricia, ka-partner niya at karelyebo sa pagmamaneho ng truck ang kaniyang mister.

"Night shift ako at siya ay day shift. Team driver kami," saad ni Patricia.

Dati raw siyang factory worker at napasok sa pagiging truck driver matapos na maingganyo.

Ayon pa kay Patricia, nagda-drive sila ng kaniyang asawa ng mula West Coast hanggang East Coast, o South Carolina hanggang Washington State.

Inaabot daw sila ng dalawa hanggang limang araw sa biyahe ng kaniyang mister na palitan sa pagmamaneho.

Company driver lang daw sila ng kaniyang asawa at hindi sa kanila ang truck. Ayon kasi kay Patricia, masyadong mahal ang truck at ayaw niyang mangutang.

Mga bahagi umano ng eroplano ang karga ng kanilang truck.

Mayroon dalawang anak si Patricia sa nauna niyang karelasyon. Pero wala naman silang anak ng kaniyang asawa ngayon na 22 taon na niyang kasama sa buhay.

Ayon kay Patricia, ang pag-atras ang pinakamahirap sa pagda-drive ng malaking truck lalo na kung maliit lang ang espasyong papasukan.

Sa pitong taon niyang pagmamaneho, mapalad na hindi pa raw nasasangkot sa aksidente si Patricia. --FRJ, GMA News