May paalala sa publiko ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) tungkol sa mga iniaalok na trabaho sa abroad na makikita sa social media ngayong unti-unti nang lumuluwag ang COVID-19 restrictions sa ibang bansa.

Sa ulat ni Lou-Anne Mae Rondina sa GMA Regional TV News nitong Lunes, sinabing isa sa mga makikitang iniaalok na trabaho ngayon sa social media ang nasa 450 Filipino teacher na kailangan sa Taiwan.

Dahil sa umano'y P115,000 sahod kada buwan na maaaring matanggap ng papasang aplikante, marami ang nagiging interesado na mag-apply.

Kabilang sa naaakit sa naturang alok ang senior high school teacher na si  Rejeal Jumao-As, sa Lapu-lapu, Cebu.

Pitong taon na ring guro sa public school si Jumao-As kaya naiisip niyang magtrabaho sa ibang bansa para kumita at masuportahan ang kaniyang pamilya.

Nang puntahan ng GMA Regional TV ang tanggapan ng POEA-Region 7, napag-alaman na walang pangalan ng recruiter at employer na nakasaad sa social media post tungkol sa job hiring para umano sa mga Pinoy teacher.

Sa halip, ang nakalagay lamang ay pangalan ng Ministry of Education ng Taiwan, ayon sa ulat.

Sa listahan ng POEA sa mga rehistradong recruiter, mayroon lang umanong isang kompanya ang lumitaw at isang guro rin lang ang kailangan.

Kaya naman nagpaalala sila na maging maingat at alamin kung lehitimo ang alok na trabaho sa abroad na makikita sa social media.

Nauna nang iniulat na sinabi ng Department of Labor and Employment (DOLE) na mangangailangan ang Taiwan ng mga English teacher na mga "dayuhang" manggagawa, at hindi eksklusibo lamang para sa mga Filipino.

Bukas ang aplikasyon hanggang March 31, 2022, at maaaring mag-apply online sa: https://tfetp.epa.ntnu.edu.tw.

--FRJ, GMA News