NEW WESTMINSTER - Hinatulan ng sampung taong pagkakakulong ang isa sa dalawang Pinoy na sangkot sa pagkakapatay ng isang Pinay sa New Westminster sa Canada.

Marso noong nakaraang taon nang matuklasan ang sunog na bangkay ng 49-anyos na biktimang si Maria Cecilia Loreto sa Burnaby Park sa New Westminster.

Inamin ng 22-taong-gulang na suspek na si Carlo Castillo Tobias na inabangan nila si Loreto pag-uwi nito sa kanyang inuupahang apartment noong Marso 17 ng hapon noong nakaraang taon.

Ayon kay Tobias, nagtago siya sa likod ng pinto ng apartment ng biktima at pagpasok nito sa bahay ay sinuntok niya ito sa mukha kaya't agad nawalan ito ng malay.

Batay sa court record, dalawang beses sinaksak ng kitchen knife ng isa pang suspek na 15-taong gulang ang biktima habang nakahandusay ito sa sahig.

Matapos ang pagpatay ay binalot nila ng kumot ang katawan ng biktima saka dinala sa Burnaby Park kung saan sinunog nila ito.

Tinanggap ni New Westminster Judge Peter La Prairie ang early guilty plea ni Tobias at siya ay hinatulan na makulong ng sampung taon sa kasong manslaughter and acting as an accessory to murder after the fact.

Lumalabas na ang menor de edad na suspek ang nakapatay umano sa biktima batay sa medical at autopsy report.

Lilitisin naman para sa kasong first degree murder and indignity to human remains ang menor de edad na suspek na hindi na inilabas ang pangalan dahil na rin sa Youth Criminal Justice Act. —KG, GMA News