Puwede nang pumasok sa Taiwan simula sa darating na Pebrero 15 ang mga overseas Filipino workers, ayon sa Manila Economic and Cultural Office (MECO).

Sa pahayag nitong Lunes, sinabi ni MECO Resident Representative at Chairman Wilfredo Fernandez, na kinumpirma ito ng Taiwan Economic and Cultural Office sa Maynila.

“We want to thank the Taiwan officials, as well as their business leaders, for their continuing trust and confidence in the world-class skills, competence, and work ethics of Filipino workers,” ayon kay Fernandez.

Pero pinapayuhan ang mga OFW na sundin ang mga patakaran na ipinatutupad ng pamahalaan ng Taiwan bilang pag-iingat pa rin sa COVID-19.

Kabilang sa mga rekisito sa pagpasok sa Taiwan ay ang  vaccination cards, negative RT-PCR results, at mandatory quarantine, ayon kay Fernandez.

Sinabi rin ni Fernandez, na ang mga recruitment agency ang dapat magbayad sa pre-deployment pandemic fees ng mga OFW na magpupunta sa Taiwan, na nakasaad sa memorandum circular 1 ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA).

“Any infraction will be dealt with severely in accordance with the law,” ani Fernandez.

Nagpaalala naman si MECO labor official at lawyer Cesar Chavez, Jr. sa mga OFW na magiging mahigpit ang Taiwan laban sa paggamit ng pekeng vaccination card.

Ayon sa MECO, mayroong 11,000 new hires na OFWs at 24,000 replacements na naghihintay sa pagbubukas ng Taiwan.

Sa kasalukuyan, tinatayang 160,000 Filipino ang nagtatrabaho ngayon sa Taiwan. —FRJ, GMA News