Dahil sa pag-alis sa amo na maliit magpasahod, napag-initan umano ang isang inang OFW sa Amman, Jordan at ipinakulong.
Ito ang impormasyon na natanggap ni Willie Revillame nang matawagan niya para sa "Wowowin-Tutok To Win," ang anak ng OFW na si Jona, na nasa Quezon City.
Patong-patong na pagsubok sa buhay ang kinakaharap ni Jona dahil kamamatay din lang ng kaniyang anak na 18-buwang-gulang dahil sa sakit.
Kuwento ni Jona, hindi nila ipinapaalam sa kaniyang ina na nakakulong ang nangyari sa kaniyang anak.
Ayon kay Jona, umalis sa dating amo ang kaniyang ina dahil sa maliit itong magpasahod at lumipat ng ibang amo.
Gumanti ang dating amo at kinasuhan siya ng thief kaya nakulong noong Agosto. Sa tulong umano ng ibang kababayan, naayos na umano ang naturang kaso at maaari nang maipa-deport ang kaniyang ina.
Nakikipag-ugnayan umano sina Jona sa ahensiya ng pamahalaan para mapauwi ang kaniyang ina pero hinihintay pa rin umano ang proseso sa kaso nito.
Ayon pa kay Jona, batay sa kaniyang ina, maaari na siyang i-deport at makauwi ng Pilipinas kung mayroon lamang siyang plane ticket.
Kaya naman sinabi ni Kuya Wil kay Jona na linawin sa kaniyang ina kung tiket na lang ang kailangan niya, at kaniya itong ibibili para makapiling nila ang ina ngayong Pasko.
Nagbigay din ng pinansiyal na tulong si Kuya Wil kay Jona, at sinabi nitong padalhan din ng pera ang ina sa Jordan para mabili ang mga kailangan nitong gamit. Panoorin ang video. -- FRJ, GMA News