Naiyak na lang isang Filipina domestic helper sa Saudi Arabia nang ikuwento ang kalupitang dinanas sa kaniyang amo na nagalit nang hindi niya mahanap ang bahagi ng mixer na pang-bake ng cake.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Martes, sinabi ni Aibelle Poniente, na pinalo siya ng figurine ng kaniyang among babae, sinipa at kinaladkad habang hawak siya sa buhok.
Nangyari raw ang pananakit noong nakaraang October 23.
Nagmakaawa raw siya sa kaniyang amo pero nagpatuloy pa rin sa ginagawang pananakit sa kaniya.
Nagtamo siya ng sugat sa ulo, nabali ang braso at nagtamo ng mga pasa sa katawan.
Sa tulong ng mga kapuwa OFW, nakatakas si Poniente at dumulog sa Philippine Consulate sa Jeddah.
“Babayaran daw po ako ng asawa niya ng 1,000 Saudi Riyals makipagclose lang po ako, sabi ko sir hindi 1,000 Saudi Riyals ang buhay ko,” sabi ni Poniente na nagtamo ng sugat sa ulo at mga pasa sa katawan.
Hindi naman mapigilan ng asawa ni Poniente na si Rencelino, na magalit sa dinanas ng kaniyang maybahay.
Ayon sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA), naka-blacklist na ang mga employer na isinusumbong ng mga OFW na nangmamaltrato sa kanila sa KSA.
“POEA will monitor this case and coordinate with the agency which deployed the OFW. In case of violation, proper sanctions will be imposed,” pagtiyak ni POEA Administrator Bernard Olalia.
Tutulong din ang POEA si Poniente sa kaso nito at pagproseso sa kaniyang repatriation.
Nakatakda namang makipagpulong si Labor Secretary Silvestre Bello III sa kaniyang counterpart sa Saudi Arabia kaugnay sa unpaid wages ng 9,000 OFWs mula sa kanilang mga amo.
Sinabi ni Bello na imumungkahi niya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang deployment ban ng OFW sa KSA kapag hindi naresolba ang naturang usapin sa gagawin niyang pakikipagpulong.--FRJ, GMA News