Nais umanong makausap ng Labor Minister ng Saudi Arabia si Philippine Labor Secretary Silvestre Bello III kaugnay sa usapin ng mahigit 9,000 overseas Filipino workers (OFWs) na hindi pa natatanggap ang mga sahod sa kani-kanilang mga amo.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing nasa Dubai sina Bello at iba pang opisyal at makakapulong nila ang labor officials ng KSA.
Kung hindi pa rin umano mareresolba ang problema sa naturang pulong para matulungan ang mga OFWs, irerekomenda na umano ni Bello kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng OFW deployment ban sa Saudi Arabia.
Dati nang nagpatupad ng OFW deployment ban ang Pilipinas sa KSA dahil sa plano ng mga agency na ipasa sa mga OFW ang gastusin sa kanilang health protocols pagdating doon ng mga manggagawang Pinoy.
Pero kaagad din inalis ng Pilipinas ang ban nang linawin ng pamahalaan ng KSA na ang mga agency at mga amo na ang sasagot sa naturang mga gastusin. --FRJ, GMA News