Iminungkahi ni Labor Secretary Silvestre Bello III kay Pangulong Rodrigo Duterte na magpatupad ng deployment ban sa Saudi Arabia dahil sa lumalaking sahod ng mga overseas Filipino worker (OFW) na hindi binabayaran ng kani-kanilang mga amo.
Sa Laging Handa briefing nitong Huwebes, sinabi ni Bello na umaabot na sa P4.6 bilyon ang unpaid salaries sa mahigit 9,000 OFWs.
“I sent a memorandum to the President requesting him permission to consider the deployment ban to KSA (Kingdom of Saudi Arabia) kung hindi nila mabayaran yung pera,” ayon sa kalihim.
Sinabi rin ni Bello na inatasan na niya ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na pag-aralan ang naturang usapin.
Noong 2016, nasa 11,000 OFWs sa Saudi Arabia ang hindi umano binayaran ng sahod ng mula isa hanggang dalawang taon.
Inatasan umano siya ni Duterte na i-repatriate ang mga OFW.
“Before doing that, we authorized a lawyer to pursue the claims of our OFWs,” ayon kay Bello. “That was 2016. It is now 2021. Mayroon nang desisyon. Hindi pa rin binabayaran."
Nitong nakaraang Mayo, pansamantalang ipinatigil ni Bello ang pagpapadala ng OFWs sa KSA dahil sa mga ulat na ang mga OFW --at hindi ang mga amo o agency--ang sasagot sa gastusin ng health at safety protocol sa COVID-19 at insurance coverage premium pagdating nila naturang bansa.
Inalis naman kaagad ang ban nang tiyakin ng pamahalaan ng KSA na ang employer at agency ang sasagot sa naturang gastusin tulad ng quarantine at iba pang COVID-19 protocols.— FRJ, GMA News