Inaresto ang isang lalaki matapos siyang mag-alok ng mga trabaho umano sa Amerika na may suweldong P150,000 kada buwan, kapalit ng P90,000 halaga ng pagproseso ng mga aplikante sa Quezon.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Remegio Mariano, 49-anyos, na dinakip ng CIDG Rizal Provincial Field Unit sa isang liblib na barangay sa Infanta, Quezon.

Wanted si Mariano sa patong-patong na kasong large scale estafa na may kaugnayan umano sa illegal recruitment.

Sinabi ng CIDG na naghahanap ang suspek ng mga gustong mamasukan sa Amerika bilang kasambahay, tagapulot ng bola sa golf course at taga-pitas ng mansanas na may suweldo na aabot umano sa P150,000 kada buwan.

Pero kapalit naman nito paniningil ng suspek ng P70,000 hanggang P90,000 sa bawat aplikante.

Sinabi ng CIDG na marami na rin ang nagrereklamo umano laban kay Mariano.

Pero itinanggi ng suspek ang paratang laban sa kaniya.

"Nagrerekomenda po ako sa agency namin. Ngayon, hindi ko naman po alam na peke po 'yung agency na pinapa-apply-an namin," paliwanag niya.

Nagpaalala ang CIDG sa publiko na beripikahin sa Philippine Overseas Employment Adminstration at sa iba pang ahensiya ng gobyerno ang mga ahensiya na nagre-recruit pa-abroad.--Jamil Santos/FRJ, GMA News