Nasunog ang rooftop ng isang gusali ng Philippine Consulate General sa Jeddah, Saudi Arabia noong Huwebes ng umaga.
Sa panayam ng GMA News kay Consul Mary Jennifer Dingal, acting Head of Post ng Philippine Consulate General sa Jeddah, nagsimula ang sunog dakong alas-syete ng umaga.
Nangyari umano ang sunog sa rooftop ng Buiding 4 na inookupahan ng iba't ibang attached agencies ng ating pamahalaan tulad ng DSWD, Pag-IBIG Fund, at SSS.
Pahayag ni Dinggal, ang rooftop ang ginawang prayer room ng mga staff nilang Muslim.
"Sa initial naming pag-iimbestiga, lumalabas na posibleng nagsimula ang apoy sa natunaw na wiring na nakadikit sa mga carpet ... dala marahil ito ng mainit na panahon," ayon kay Dinggal.
Mabilis naman daw na naagapan ang sunog ng kanyang mga security personnel gamit ang mga bago nilang fire extinguishers. Dumating din umano ang mga bumbero at pulis.
Sa ngayon, hindi na muna ipinagagamit ang naturang gusali habang iniimbestighan pa at inaalam ang naging sanhi ng sunog.
Nagpapasalamat si Dinggal at walang nasaktan sa nangyaring sunog, at sa ngayon ay balik na uli sila sa kanilang normal na operasyon sa Konsulada. —LBG, GMA News