Nanawagan ng tulong ang isang overseas Filipino worker na mula sa Saudi Arabia na pauwi na sana Pilipinas pero 10 araw nang na-stranded sa airport.
Sa ulat ng GMA News ng "Saksi," sinabi ni Ivy Luz Quintin, na may mga connecting flight ang kaniyang biyahe pauwi sa Pilipinas na ginawa ng kaniyang employer.
Mula sa Saudi Arabia, bibiyahe siya sa Ethiopia, pagkatapos sa Indonesia, at sunod naman sa Malaysia bago makauwi sa Pilipinas.
Pero "late" ang flight niya mula sa Ethiopia na papuntang Indonesia kaya hindi na niya inabutan ang flight niya patungong Malaysia.
Walong araw na stranded si Quintin sa airport ng Indonesia, kaya ibinalik siya sa Ethiopia, at ngayon ay dalawang araw na siyang stranded sa airport doon.
"Sana po matulungan niyo ko na makabili ng tiket para makauwi na po ako," pakiusap niya.
Hinihintay naman ang tugon mula sa kinauukulan opisyal ng pamahalaan tungkol sa kalagayan ni Quintin, ayon sa ulat.—FRJ, GMA News