Arestado ang isang security guard matapos nitong tangkaing nakawin ang isang motorsiklo sa Quezon City.
Sa ulat ni Nico Waje sa Saksi, nakita sa CCTV footage ang isang lalaki na may dalang motorcycle helmet habang naglalakad patungo sa isang establisyimento sa kahabaan ng Aurora Boulevard sa Quezon City bandang alas-4 ng hapon nitong Lunes.
Makalipas ang ilang minuto, sumakay ang lalaki sa nakaparadang motorsiklo at itinulak niya ang motorsiklo gamit ang kanyang mga paa upang mapaandar.
Sinabi ng may-ari na si Dion Mark Cuevas, ipinarada niya ang kanyang motorsiklo para maglaro ng bilyar kasama ang mga kaibigan.
"Naglaro-laro lang po tapos kumain kami ng mga kaibigan. Pauwi na po ako noon e tapos napansin ko na wala na yung motor ko," aniya.
Sa tulong ng CCTV footage, nahuli ng mga awtoridad mula sa District Anti-Carnapping Unit (DACU) ng Quezon City Police ang suspect.
"Tuloy-tuloy po ang ating backtracking hanggang sa mahuli siya sa may Imperial Street ng Barangay E. Rodriguez. Kung saan nabitbit ang nasabing motorsiklo," ani DACU-QCPD Chief Investigator, Police Executive Master Sergeant Dennis Telen.
Inamin ng suspect ang krimen at aniya’y nagawa lamang niya ito dahil sa kagipitan.
"Nagawa ko po kasi yung motor ko nabenta ko po ng November 2. Naghahanap po ako ng paraan para mabawi yung motor ko na binenta. Yun po ang natipuhan ko na kuhain kasi walang susi at hindi naka-padlock,” aniya.
Kakasuhan ang suspek ng paglabag sa Anti-Carnapping Law.
—Sherylin Untalan/ VAL, GMA Integrated News