Limang taon hindi nakauwi ng Pilipinas si Ronalyn mula nang nagtrabahong kasambahay sa Saudi Arabia, at marami siyang pagtitiis at pagsubok na hinaharap. Kaya naman hindi niya napigilang maiyak nang makita ang ipinagawang bahay na bunga ng lahat ng kaniyang sakripisyo.

Kuwento ni Ronalyn sa "Kapuso Mo, Jessica Soho," sa barung-barong lang sila nakatira noon at nababasa sila kapag umuulan sa Isabela.

Katunayan kapag may dumarating na bagyo, kailangan nilang lumikas at sumilong sa evacuation center.

Upang makaahon sa hirap, naisipan ng kaniyang mister na unang mangibang-bansa upang mahanapbuhay sa Qatar.

Pagkaraan ng tatlong taon, sumunod na rin si Ronalyn na nagtrabaho bilang kasambahay sa Saudi Arabia.

Masakit para kay Ronalyn na iwan ang dalawa nilang anak.

Tulad ng ibang OFW, naranasan din ni Ronalyn na pagmalupitan ng amo. Pero tiniis niya ang lahat alang-alang sa pamilya.

Naging malaking dagok din sa pamilya nang mabuntis ang 14-anyos niyang anak.

Pero sa halip na maghanap ng masisisi, pinili nilang mag-asawa na alalayan ang anak upang makabangon sa pagkakadapa.

Pagkalipas ng dalawang taon, nakalipat ng amo sa Riyadh si Ronalyn, at nakasama na rin niya ang asawa.

Doon na sila nagtipid lalo upang maipatayo ang pinapangarap na simpleng bahay na gawa sa kongkreto, may mga kuwarto at kusina.

Gayunman, panibagong pagsubok ang hinarap ng mag-asawa nang magkaroon ng pandemic at mawalan ng pagkakakitaan.

May pagkakataon din na napilitan ang mister ni Ronalyn na manguha ng puwedeng pakinabangan sa basurahan.

Hanggang nito lang Hunyo, nagpasya na si Ronalyn na umuwi sa Pilipinas. At sa unang pagkakataon, nakita niya ang bunga ng kanilang paghihirap--ang ipinapatayo nilang bahay.

Matapos na yakapin ang ina, hinalikan ni Ronalyn ang sahig sa bukana ng bahay, at pati na ang sahig sa mga kuwarto.

Pero dahil hindi pa lubos na ayos ang ipinapatayo nilang bahay, balak pa rin kaya ni Ronalyn na makipagsapalaran muli sa ibayong-dagat? Panoorin ang nakaaantig na kuwento ni Ronalyn sa video na ito ng "KMJS."

--FRJ, GMA News