Isa na namang Pinay OFW na nagtatrabahong kasambahay ang humingi ng tulong na sagipitan dahil sa nararanasang pagmamaltrato umano mula sa kaniyang amo sa Gitnang Silangan.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nagtatrabaho sa bansang Kuwait ang OFW na itinago sa pangalang "Lea."
Ayon kay Lea, nagsimula siyang saktan ng kaniyang nang tumutol siyang kompiskahin ang kaniyang cellphone.
Hinawakan pa raw siya sa leeg at dibdib ng amo nang makitang kausap niya sa telepono ang kaniyang anak.
“Ginanoon ako ng amo ko, tatlong beses ‘yun kasi ayaw kong ibigay ‘yung telepono,” kuwento ni Lea habang ipinakita kung papaano siya hinawakan ng amo sa kaniyang damit.
Ibinenta raw si Lea ng amo sa kasalukuyang amo niya ngayon.
Hindi makauwi ng Pilipinas si Lea dahil sa kakulangan ng pera.
Hindi rin daw binayaran ng dati niyang amo ang mga dapat bayaran para makauwi siya sa bansa.
Bukod pa rito, kailangan din niyang mag-ipon para sa kaniyang anak at iniinom na gamot.
“Hindi nga po namin pinapaalam sa magulang ko kasi ang nanay ko baka mag-alala na naman sa... Gusto ko lang po talagang makauwi… yung mga anak ko nagpipilit umuwi ka na mama kahit wala kang ipon,” umiiyak niyang pahayag.
Ipinaalam ng GMA News sa mga kinauukulan ang sitwasyon ni Lea, at iniulat nitong Biyernes sa "24 Oras" na nasagip na siya at nasa pangangalaga na ng Philippine Overseas Labor Office sa Kuwait.
Una rito, isang Pinay na nagtatrabaho rin kasambahay sa Dubai ang nasawi dahil umano sa pagmamaltrato ng amo.
Dalawang Pinay OFW din ang nakauwi sa bansa kamakailan mula sa Saudi Arabia na biktima naman ng panghahalay ng kani-kanilang amo.
--FRJ, GMA News