Pinayagan ng pamahalaan ang mga special commercial flight para maiuwi sa Pilipinas ang mga stranded na overseas Filipino worker (OFW) na nasa mga bansang may umiiral na travel restriction bilang pag-iingat sa mas nakahahawang Delta variant ng COVID-19.
Ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, magkakaroon ng mga special commercial flight para sa mga OFW na stranded sa Oman, United Arab Emirates, India, Pakistan, Sri Lanka, Nepal at Bangladesh.
Magkakaroon ng Special Working Group (SWG) sa mga special commercial flight na bubuo ng kinakailangang "health" protocols, kasama ang mga kinauukulang airlines.
Ang SWG ay kabibilangan ng Department of Health, Bureau of Quarantine, Overseas Workers’ Welfare Administration, Department of Foreign Affairs, Department of Transportation, Philippine Coast Guard at Department of Tourism.
Dapat aprubado ng SWG ang mga special commercial flight at dapat mga Pinoy lang ang isasakay.
Sa kasalukuyan, pinapairal ang travel restriction sa mga nabanggit na bansa hanggang July 15, at wala pang linaw kung aalisin o palalawigan pa ulit.
Samantala, inamyendahan ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang Resolution 124-A para payagan ang Philippine Overseas Labor Offices (POLO) na berepikahin ang vaccination status ng mga asawa, anak at magulang ng OFW na kasama nila sa pagbiyahe. — FRJ, GMA News