Nagbabala ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa publiko na mag-ingat laban sa lumalabas na anunsyo sa social media na nag-aalok ng passport appointment slots at pekeng appointment documents.

Ang babala ay ginawa ng DFA nitong Lunes, sa harap ng mataas na bilang ng mga nagpapatala para makakuha ng pasaporte sa panahong ito ng pandemic.

Ayon sa DFA, kamakailan lang ay mayroon umanong aplikante ng pasaporte ang nagsabing nakakuha siya ng appointment sa pamamagitan ng social media.

Upang matugunan ang mataas na demand sa aplikasyon ng pasaporte bunga ng ipinatutupad na quarantine protocols, magbubukas ang DFA ng 10 temporary satellite offices "very soon."

"We want to assure the public that ten temporary satellite offices will be opened very soon to create additional passport appointment slots," pagtitiyak ni DFA Undersecretary Brigido Dulay.

Paliwanag ng DFA, mula sa dating 13,000 passport appointment slots per day bago magkaroon ng COVID-19 pandemic, bumaba ito sa 6,100 slots per day dahil sa mahigpit na pagpapatupad ng health and safety protocols.

Ilang tanggapin din sa mga mall ang tigil-operasyon muna dahil pa rin sa pandemic.

Ayon kay Dulay, kapag binuksan ang temporary satellite offices, maaaring madagdagan ng 2,500 slots ang appointment sa Metro Manila at 2,500 pa sa ibang rehiyon.

Patuloy naman na ipatutupad ng DFA ang "courtesy lane" sa ilang aplikanteng kailangan na makakuha kaagad ng pasaporte tulad ng mga papaalis na overseas Filipino workers, mga buntis, nakatatanda at menor de edad, mga persons with disability at solo parents.

Gayunman, kailangan pa rin nilang magpatala at magpa-schedule sa DFA online appointment system sa www.passport.gov.ph.  —FRJ, GMA News