Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs nitong Huwebes na kabilang ang isang Pinoy sa walong nasawi sa nangyaring pamamaril sa San Jose, California.
Sa inilabas na pahayag ng DFA, sinabing ang impormasyon sa nasawing Pinoy ay nagmula sa Philippine Consulate General sa San Francisco.
"The Consulate General is the process of coordinating with authorities to get more information and is ready to extend any assistance, if warranted," ayon sa DFA.
Nangyari ang insidente sa isang light-rail yard ng commuter train ng Santa Clara Valley Transportation Authority (VTA), sa Silicon Valley sa San Francisco Bay Area.
Kawani ng VTA ang salarin na kinilalang si Samuel Cassidy, 57-anyos, na sinasabing nagbaril din sa sarili.
Ang mga biktima ay kinilala ng Santa Clara County coroner's office na sina Paul Dela Cruz Megia, 42; Taptejdeep Singh, 36; Adrian Balleza, 29; Jose Dejesus Hernandez, 35; Timothy Michael Romo, 49; Michael Joseph Rudometkin, 40; Abdolvahab Alaghmandan, 63, at Lars Kepler Lane, 63.
Ito na ang pinakabagong insidente ng deadly mass shooting sa Amerika.
"A horrible tragedy has happened today and our thoughts and love go out to the VTA family," ayon kay Glenn Hendricks, chairman ng VTA board, sa ginanap na news conference matapos ang insidente.
Nitong Marso, walo ang nasawi, kabilang ang anim na babae na may lahing Asyano, sa nangyaring pamamaril sa ilang spa sa Atlanta.
Nasundan ito ng insidente rin ng pamamaril sa isang supermarket sa Boulder, Colorado na sampu katao naman ang nasawi.--FRJ, GMA News