Mula nang atakihin sa puso nitong nakaraang Mayo 7 ang isang 39-anyos na overseas Filipino worker (OFW) sa Dubai, nananatili siyang comatose sa ospital at lumolobo ang kaniyang bayarin.
"Ang dami naming pangarap," ayon sa 34-anyos na si Irene Asis Cabrito, kabiyak ng OFW na comatose na si Joey Mendoza Cabrito, isang bicycle mechanic sa Dubai.
Dumating sa Dubai nitong Mayo 20 si Irene sa tulong ng Philippine Consulate General (PCG), na pinamumunuan ni Consul General Paul Raymund Cortes.
"Sabi po ng doctor zero percent po ang chances," malungkot na sabi ni Irene.
Labing-limang taon nang nagsasama sina Irene at Joey, at mayroon silang dalawang batang anak na may edad lima at tatlo.
Ayon kay Cortes, idinulog na nila ang kaso ni Joey sa Assistance to Nationals (ATN) section.
"We issued certification to the wife so that she could come here," pahayag ng opisyal.
Ayon sa OFW din na si Nicole Balgemino, kaibigan ni Joey, sinabi sa kanila ng duktor na "brain dead" na si Joey.
"Wala na raw pong maibigay na chance kahit one percent. Hindi na raw nagre-respond," pahayag niya, pero hindi raw maalis si Joey sa ventilator dahil labag ito sa kanilang batas.
Inilarawan niya na mabuting tao si Joey.
"Wala po kaming masabi sa kaniya. Mabait na tao siya. Nagpapayo at masayahin, gusto niyang magpasaya ng tao. Kung ano man ang puwede niyang maitulong, tumutulong siya. Hindi siya maramot. At wala siyang bisyo," sabi pa ni Balgemino.
Sinabi naman ni Engr. Frankie Boton, chairman ng Dubai-based cycling group at kaibigan din ni Joey, napaso na ang membership ni Joey sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
"Wala na rin po siyang makukuhang sahod kasi nag-resign na siya sa company niya at lilipat na lang sana nitong katapusan. Nakuha na po ang final accounts niya at yun ang dinagdagan para sa ticket at visa ng misis niya papunta dito," ani Boton.
Sa ngayon, umaabot na raw sa AED268,000 ang bayarin sa ospital ni Joey, lampas na sa kaniyang insurance coverage, ayon kay Balgemino.
"Kung may mga taong may mabubuting kalooban at gustong tumulong, makipag-ugnayan na lang po sa misis ni Joey. Namomrublema po siya kung paano i-settle ang bills,” sabi nito.
Nag-aambagan na umano ang ibang OFWs sa UAE para makalikom ng dagdag na pangtustus sa gastusin para kay Joey.
Maaaring makaugnayan si Irene sa telepono bilang +971 054 750 7012. --FRJ, GMA News