Isang 31-anyos na single mom na nagtatrabaho bilang office manager sa Dubai ang nanalo sa raffle draw ng AED201,000, o katumbas halos ng P2.63 milyon.

"Para sa aking baby girl. Hindi ko man siya mapamanahan ng malaki, at least may bahay na siya paglaki," sabi ni Wendy Arroz, na tubong-Cagayan Valley.

Ilalaan daw niya ang napanalunan na pambayad sa inutang na bahay na inilalaan niya para sa kaniyang walong-taong-gulang na anak na babae.

Ayon kay Arroz, iniwan siya ng lalaking minahal niya noong nagdadalang-tao pala siya.

Lagi umano siyang umaasa na balang araw ay mananalo siya sa raffle para sa mga regular na nagpapadala ng pera sa isang remittance center.

Hanggang AED1 milyon ang maaaring mapanalunan ng mga nakakasali sa raffle.

“Pangarap ko lang na manalo dun kahit sa AED20,000 weekly draw,” saad niya kaya laking tuwa niya nang higit pa roon ang kaniyang napanalunan.

"I've been participating from the very beginning along with my brother," pag-anunyo ng announcer ng kompanya na sinabi ni Arroz. "I was driving with my friend during the draw and asked my brother to check the numbers for me. He mentioned I got four out of six. I was shocked and ecstatic to win the 1,000 dirhams."

Nagdiriwang na umano si Arroz nang masundan pa ang suwerte niya nang tumama pa ang lima niyang numero sa draw.

"As I was celebrating, my friend mentioned that on my other entry, I matched five numbers," ani Arroz.

"I had to pull the car over to go online and check the results. I started crying and kept asking myself 'Is this really happening? Is this really true?'"

Sinabi ni Arroz na malaki ang mababago sa kaniyang buhay dahil sa kaniyang napanalunan.

"I can finally bring my daughter here [sa Dubai] from the Philippines," pahayag ni Arroz, na dalawang taon na raw hindi nakikita ang anak dahil sa COVID-related travel restrictions.

"I usually go back once a year but with COVID-19 restrictions, I haven’t been able to go back the past two years," paliwanag niya.

Bukod sa pambayad sa bahay, maglalaan din siya ng bahagi ng kaniyang napanalunan para tulungan ang kaniyang pamilya.--FRJ, GMA News