Muling pinaalalahanan ng embahada ng Pilipinas sa Israel ang mga Pinoy doon na mag-ingat dahil sa patuloy na palitan ng bomba ng Israeli forces at Hamas militants.

Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabing pinapayuhan ang mga Pinoy na manatili na lang sa bahay at kaagad na magtago sa pinakamalapit na bomb shelter sa sandaling tumunog ang sirena na may paparating na bomba.

Makabubuti rin umano na iwasan ang mga matataong lugar lalo na kung may nagaganap na kaguluhan at mga protesta.

Kabilang sa mga lugar na tinukoy ang West Bank, Bethlehem, Hebron, Jericho at ilang lugar sa Jerusalem.

Pinaalalahanan din ang mga Pinoy na huwag lumapit sa Israeli forces na nakapuwesto sa mga nabanggit na lugar.

Sakaling maipit sa kaguluhan at kailanganin ang tulong, maaring tumawag sa Home Front Command 104, Municipality Call Center 106 hanggang 108, at sa Philippine Embassy hotline +972-54-466-1188.

Sa ngayon wala pa ring isasagawang mass repatriation. Pero ililikas ang mga OFW na nagtatrabaho sa kanilang mga amo na walang bomb shelter. --FRJ, GMA News