Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na nakalatag ang contingency plan para ilikas ang halos 30,000 Filipino sa Israel kung lulubha ang sitwasyon doon.
Ang pahayag ay ginawa ng DFA kasunod ng muling sagupaan at pagpapakawala ng bomba ng Israel at Hamas militants.
Aabot sa 35 ang nasawi sa Gaza at lima sa Israel dahil sa airstrikes na isinagawa ng magkabilang panig--ang pinakamalalang sagupaan mula noong 2014.
"So far, our embassy in Israel has not received any report of Filipino casualties. The embassy is in touch with Filipino organizations and networks," saad ng DFA sa pahayag.
"Shelters are there to provide refuge, including for Filipino workers; contingency plans are in place for developments in the situation," dagdag nito.
Hanggang nitong Enero, mayroong 29,473 na Filipino na dokumentadong naninirahan at nagtatrabaho sa Israel.
Kasamihan sa kanila ay nagtatrabaho bilang caregivers at household service workers.
Sa ngayon, wala pang security advisory o travel alert na ipinapalabas ang DFA para sa mga Pinoy na nasa Israel.
Nagpahayag naman na "serious concern" ang ilang bansa sa pinakabagong sagupaan doon na baka lalo pang lumala.—FRJ, GMA News