Patuloy pa ring hinahanap ang isang Pilipinang seafarer na halos isang linggo nang nawawala matapos mahulog sa dagat mula sa pinagtatrabahuhan niyang barko na naglayag sa Germany.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras Weekend" nitong Sabado, kinilala ang nawawalang Pinay na si Jerlyn Isah Quisumbing, 24-anyos, graduate ng marine transportation.
Sumampa si Quisumbing sa barko sa gitna ng pandemya para tumulong sa pamilya.
Pebrero 7 nang naglalayag ang barko nilang MV Santa Clara sa bahagi ng dagat malapit sa North Sea Coast ng Germany, nahulog mula sa barko si Quisumbing pasado alas-3 ng madaling araw.
Ayon sa ama ni Quisumbing, inilahad sa kanila ng agency ni Quisumbing sa Pilipinas nag-ayos ng gangway o makitid na daan ng barko ang biktima.
Masama ang panahon noon, maalon ang dagat, at walang suot na life jacket at ibang safety device si Jerlyn.
"Sa pagpaliwanag nila, humawak daw 'yung anak ko doon sa lubid, bigla namang bumagsak 'yung hagdan, tumilapon 'yung anak ko sa tubig... Ni-refer agad sa kapitan, pinatigil 'yung makina tapos naghagis ng mga floating device," ayon kay Richard Quisumbing ama ni Jerlyn.
Hindi pa rin nakikita si Quisumbing hanggang ngayon, habang itinigil ang search and rescue matapos ang ilang araw.
Sinabi ng agency ni Quisumbing sa kaniyang mga magulang na limitado ang impormasyong ibinibigay sa kanila ng country representative ng may-ari ng barko at employer ng kanilang anak.
Bukod dito, ayaw din nitong ipakausap sa kanila ang mga kasama ni Quisumbing sa barko.
Gayunman, naniniwala ang ina ni Quisumbing na buhay pa ang kaniyang anak.
"Minamahal din namin siya kaya 'yung nangyaring ito hindi ko matanggap. Gusto kong bumalik siyang buhay sa amin. Maawa naman kayo sa anak ko kung makita niyo, puwede niyo akong tawagan doon sa number ko, ipaalam niyo naman sa akin kung saan man siya naroroon. Ang lakas ng kutob ko buhay ang anak ko," ayon kay Rosanna Quisumbing.
"Maiiwasan sana 'yung aksidente kung walang kapabayaan. Una nag-u-U-turn sila, walang officer. Pangalawa, walang safety harness," sabi ni Richard.
Tinawagan ng GMA News ang country representative ng MV Santa Clara, na isang container ship sa Denmark.
Sinabi ng isang sumagot sa GMA News na ibang manager na ang haharap, pero hindi na ito nakipag-ugnayan pa sa GMA News.
Sinabi ng pamilya ni Jerlyn na nakausap na sila ng OWWA at nangakong tutulungan sila. -Jamil Santos/MDM, GMA News