Isang Pangasinense na nurse sa United Arab Emirates (UAE) ang kabilang sa mga Pinoy frontliner doon ang nakatanggap na ng COVID-19 vaccine. Sa Germany naman, tumataas pa rin ang bilang ng mga tinatamaan ng virus kabilang ang mga Pinoy nurse doon.

Sa ulat ni Russel Simorio sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Martes, sinabing nawala na pangamba ng Pinoy nurse na si Mike Siapno, 36-anyos, nang mabigyan na siya ng dalawang bakuna ng COVID-19.

Hindi binanggit sa ulat ang brand ng gamot na ibinigay kay Siapno pero ikinuwento niya ang naramdaman niya nang iturok sa kaniya ang dalawang dose.

"Sa unang bakuna ko po wala akong naramdamang side effect nito o problema. Pero sa pangalawang bakuna ko po doon ako nakaramdam ng pagkahilo pero nang naitulog ko po ito, kusang nawala," kuwento ni Siapno na tubong Lingayen.

Ligtas daw at dumaan sa mahigpit na pagsusuri ng Health officials ng Abu Dhabi ang ginamit sa kanilang COVID-19 vaccines.

"Nagpabakuna po ako para maproteksyunan ko po ang aking sarili laban sa COVID-19, at maipaalam sa lahat na ligtas ang aming bakuna na ibinibigay dito sa UAE," dagdag niya.

Samantala, nananatili umanong mataas ang kaso ng COVID-19 sa Germany at nakarating na rin sa naturang bansa ang bagong variant ng virus na sinasabing mas mabilis makahawa.

Marami umanong OFWs sa Germany ang nahawa ng COVID-19 at halos karamihan ay mga nurse.

"Most of them are nurses, mga 95 -98 percent are nurses," ayon kay Atty. Delmer Cruz, Philippine Labor Attache to Germany.

"Pero out of that number more than 70 have recovered and 70 are active cases," dagdag ng opisyal.

Ibinibigay naman daw ng gobyerno ang suporta ng mga OFW doon, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News