Inihayag ng Malacañang na sa Enero 1, 2021 sisimulang ipatupad ang 5,000 limit sa pagpapadala ng mga healthcare worker sa abroad sa bawat taon.

Sa news conference sa Davao City nitong Lunes, sinabi ni presidential spokesperson Harry Roque na masusing pinag-aralan nina Pangulong Rodrigo Duterte at COVID-19 task force ang naturang usapin.

“Ipinairal ang balancing of interests kung saan tiningnan ang pangangailangan sa bansa ng nurses, nursing assistants, nursing aides habang ikinunsidera rin ang pagkilala ng talento ng mga Pilipino sa ibang bansa at demand sa ating mga kababayan sa ibayong dagat,” paliwanag ni Roque.

Ipinatupad ang "cap" o limit sa bilang ng mga health worker na puwedeng magtrabaho sa abroad kasunod ng pagpayag ni Duterte sa rekomendasyon na alisin na ang deployment ban na ipinatupad ng bansa kasunod ng COVID-19 pandemic.

Ipinatupad ang deployment ban para matiyak na sapat ang health workers sa bansa, tulad ng mga nurse, sa panahon ng pagtugon ng pamahalaan sa problema ng COVIID-19 pandemic.

Nitong Linggo, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na ilang embahador na ng iba't ibang bansa ang nakikiusap sa kaniya na alisin na deployment ban dahil gusto nilang kumuha ng mga Pinoy nurse.

Tiniyak din ng kalihim na tataasan naman ang limit sa mga ipinapadalang health workers sa sandaling bumuti na ang sitwasyon.

“Nagkaroon naman po ng kasiguraduhan ang DOH [Department of Health] na sapat po ang ating mga health professionals dito sa Pilipinas,” ani Roque.—FRJ, GMA News