"Wala siyang awa.” Ito ang nasambit ng kapatid ng 51-anyos na kasambahay na ilang ulit na nakuhanan sa CCTV na sinasaktan ng kaniyang among embahador ng Pilipinas sa Brazil.
Sa eksklusibong ulat ni JP Soriano sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, hindi naitago ng kaanak ng kasambahay na Pinay ang hinanakit kay Philippine Ambassador to Brazil Marichu Mauro.
“Kawawa naman ‘yong kapatid ko. Ginaganyan niya. Dapat siyang makulong. Wala siyang awa,” anang kapatid ng kasambahay.
“Sabi ko po grabe naman, bakit ginanyan mo kapatid ko? Pareho naman kayong Pinoy, kawawa naman,” dagdag pa niya nang makita ang CCTV video na unang ipinalabas sa isang news network sa Brazil at ini-ere naman sa "24 Oras" nitong Miyerkules.
Dati na rin daw nabanggit sa kanila ng kasambahay na hindi maganda ang pakikitungo sa kaniya ng embahador na amo.
Ayon pa sa kapatid ng kasambahay, nakatakda sanang umuwi sa Pilipinas noong Abril ang kaniyang kapatid pero hindi natuloy.
Hindi rin umano hawak ng kapatid ang pasaporte nito.
Bukod sa pananakit, pinagbawalan din daw ang kasambahay na gumamit ng mobile phone at hindi rin nakalalabas ng official residence ng embahador sa Brazil.
Una rito, nagbigay na ng go-signal sa Department of Foreign Affairs si Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan si Mauro. --FRJ, GMA News