Ibinahagi ng Brazilian news channel na GloboNews sa GMA News ang nakuha nilang CCTV videos na makikita ang serye ng umano'y pananakit ni Philippine ambassador to Brazil Marichu Mauro sa kaniyang kasambahay na Pinay.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, lumilitaw na hindi lang minsan kung hindi maraming ulit na nangyari ang sinasabing pananakit ng ambahador sa kaniyang kababayang kasambahay na nangyari sa loob ng kaniyang official residence sa Brazil.
Ayon kay Fabiano Andrade, reporter/producer ng GloboNews, nakuha nila ang kopya ng CCTV mula sa isang source.
Hiningan din umano nila ng panig si Mauro pero hindi raw ito tumugon.
Sa mga kuha sa CCTV, lumitaw na nangyari ang mga insidente ng pananakit umano ng embahador sa 51-anyos niyang kasambahay mula noong Marso hanggang Oktubre.
May pagkakataon na sinampal, piningot, hinagisan ng gamit at tila kinurot ni Mauro ang kasambahay.
Sa isang video, makikita rin ang kasambahay na minsang napaupo na lang sa pag-iwas kay Mauro, at may pagkakataon na nagpahid siya ng mukha na tila naiyak na sa ginawa sa kaniya ng amo.
Pinauwi na ng Department of Foreign Affairs si Mauro para isalang sa imbestigasyon, at nakauwi na rin ng bansa nitong Oktubre 21 ang kasambahay.
Pangako ng DFA, hindi nila kokonsintihin ang mga opisyal at tauhan nilang nagkasala.
Kung mapapatunayan na nagkasala si Mauro, sasampahan daw nila ito ng kaukulang kasong administratibo o kriminal.
Samantala, dahil sa nangyari kay Mauro at sa kaniyang kasambahay, pinag-aaralan ng DFA ang kanilang patakaran na payagan ang mga embahador na magsama ng kanilang kasambahay sa bansa kung saan sila madedestino.
Patuloy na sinisikap ng GMA News na makuha ang panig ni Mauro at ang kasambahay na biktima, ayon sa ulat.--FRJ, GMA News