Hindi na kailangang isailalim sa swab test at quarantine ang mga Pinoy na uuwi sa Pilipinas kung manggagaling sila sa mga bansa na mababa o katamtaman lang ang dami ng COVID-19 cases at kung wala silang sintomas ng sakit.
Nakasaad umano ito sa ipinalabas na bagong alituntunin ng Department of Health (DOH), ayon sa ulat ni Lei Alvis sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes.
Ang naturang bagong alituntunin ay ipatutupad din sa mga dayuhan na returning residence sa Pilipinas.
Gayunman, nilinaw ng DOH na kung ang lalawigan na kanilang uuwian ay magtatakda na dapat pa rin silang magpa-swab test, dapat umano silang sumunod.
Ayon kay Undersecretary Maria Rosario Vergeire, tagapagsalita ng DOH, bago pa man daw umalis ang mga bibiyaheng Filipino ay isinasailalim na rin naman sila sa test ng bansang kanilang pinanggalingan.
Pero ang mga Pinoy na manggagaling sa mga bansa na mataas ang kaso ng COVID-19, kailangang sumailalim sa swab test kahit pa asymptomatic sila o walang sintomas ng sakit.
Dapat din silang sumailalin sa quarantine, at maaari lang payagan na umuwi na kapag nagnegatibo sa RT-PCR test na gagawin sa ikalimang araw.
Ang mga dayuhang turista naman na mula sa mga bansang mataas ang kaso ng COVID-19, hindi na raw muna papayagang makapasok sa Pilipinas.
Ang mga manggagaling naman sa bansang mababa at katamtaman lang ang dami ng kaso ng virus, puwedeng pumunta sa Pilipinas. Pero kailangang alamin kung may sintomas sila ng sakit at posible pa ring ipa-COVID-19 test depende sa bansa na kanilang pinanggalingan.
Sa ngayon, hindi pa raw malinaw kung anu-anong mga bansa ang mababa o katamtaman lang ang dami ng COVID-19 cases na hindi na kailangang ipa-swab test at quarantine ang mga uuwing Pinoy.--FRJ, GMA News