Matapos ang matiyagang paghihintay, nakauwi na sa Pilipinas ang 142 na stranded Pinoys sa New Zealand at 15 iba pa sa Fiji.
Sa inilabas na pahayag ng Department of Foreign Affairs nitong Lunes, sinabing naisagawa ang ikatlong repatriation effort ng Philippine Embassy sa Wellington, New Zealand, sa tulong ng Philippine Airlines (PAL), at suporta ng Air New Zealand, Auckland Airport, Ministry of Foreign Affairs and Trade, at Immigration New Zealand.
Naging pahirapan umano ang pagpapauwi sa mga stranded Pinoy sa naturang mga bansa dahil na rin sa ipinatupad na lockdown mula pa noong Marso bunga ng pag-iingat sa COVID-19.
"It has been very challenging for the Embassy to repatriate our kababayan from the Pacific Island Countries given the travel restrictions and the absence of flights. We are still looking for ways to bring home our citizens stuck in the Cook Islands, Samoa, Tonga and French Polynesia,” ayon kay Philippine Ambassador to New Zealand Jesus Domingo.
Tinutulungan din umano ng embahada at Philippine Labor Office (POLO) ang mga Pinoy sa New Zealand na nawalan ng trabaho dahil sa ipinatupad na wage subsidy scheme ng gobyerno sa nabanggit na bansa.
“POLO Wellington tried to help our Filipino workers who were affected by COVID-19 and even those who needed medical aid by liaising with their recruitment agencies and employers,” ayon sa pahayag. --FRJ, GMA News