Makakapiling na ng 61 overseas Filipino workers (OFWs) ang kani-kanilang pamilya matapos silang gumaling sa COVID-19 at payagan nang makauwi.

Nitong Huwebes, sinabi ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA), na ang 61 OFWs ang unang grupo ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) survivors na nakalabas na sa We Heal As One Center sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija.

Ang naturang pasilidad ay mayroon umanong 478 air-conditioned rooms para sa mga pasyente at 44 na kuwarto para sa mga medical staff.

Sinundo umano ng kani-kanilang kamag-anak ang mga pinauwi nang OFWs.

Bukod sa libre ang natanggap na suportang medikal ng mga pasyenteng OFW, sinabi ng BCDA na libre din ang pagkain ng mga pasyente at may internet connection din.

Hindi naman nabanggit ng BCDA kung ilan pa ang pasyenteng nasa We Heal as One Center, na pinagdadalhan sa mga nagpositibo sa COVID-19 na mayroong mild symptoms at mga asymptomatic o walang sintomas ng sakit.

Itinayo ang mga quarantine o isolation centers para mabawasan ang mga pasyenteng dinadala sa ospital.

Umaabot na sa 178,022 ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, kung saan 114,114 ang gumaling at 2,883 ang nasawi. —FRJ, GMA News