Nadagdagan ng 25 ang mga Pinoy sa abroad na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). Dahil dito, umakyat na sa 9,933 ang kabuuang bilang ng mga Filipino na nasa ibang bansa na nahawahan ng virus.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Martes, tumaas naman sa 5,860 ang kabuuang bilang ng mga gumaling matapos na madagdagan ng 16.
Nanatili naman sa 726 ang mga pasyenteng nasawi.
Patuloy umanong ginagamot at nagpapagaling ang 3,347 pasyente.
Sa datos ng DFA, ang Middle East/Africa ang mayroon pinakamataas na kaso ng mga Pinoy sa abroad na tinamaan ng COVID-19 na umaabot na sa 6,906.
Sa nasabing bilang, 2,338 ang patuloy na ginagamot, 4,123 ang gumaling na at 445 ang nasawi.
Sumunod naman ang Europe na may total cases na 1,146. Patuloy na ginagamot ang 492 pasyente, 559 ang gumaling at 95 ang nasawi.
Sa Asia and the Pacific region, mayroon namang 1,090 Pinoy na nagpositibo sa COVID-19, at 358 sa mga ito ang ginagamot pa, 724 ang gumaling na at walo ang pumanaw.
Bagaman pinaka-kaunti ang Americas sa bilang ng mga Pinoy sa abroad na nahawahan ng virus na umabot sa 791, pangalawa naman ito sa pinakamaraming nasawi sa bilang na 178.
Patuloy namang ginagamot ang 159 pasyente, at 454 naman ang gumaling na.— FRJ, GMA News