Pinagmulta ang walong overseas Filipino workers sa Hong Kong dahil sa paglabag daw nila sa social distancing protocols sa Central District noong Agosto 9.
Ayon sa ulat ng GMA News“24 Oras” nitong Lunes, tig-2,000 Hong Kong dollars o halos P13,000 ang naging multa ng mga OFW matapos silang masita sa Chater Road at Statue Square.
Nasa 50 pulis daw ang sumugod sa lugar na tambayan ng mga OFW kapag day-off nila.
Sinabihan din umano ng mga pulis ang mga OFW na umuwi na sa kanilang mga amo pagsapit ng 5:00 pm.
Ayon naman sa isang lider ng OFW group sa Hong Kong, hindi umano ito ang tamang aksyon para labanan ang COVID-19.
Kailangan umano ng mga OFW ang day-off para makapagpahinga at marami raw sa kanila ang hindi pinapayagan ng kanilang mga amo na lumabas mula Lunes hanggang Sabado.--FRJ, GMA News