Undocumented worker ang isa sa apat na Pinoy na nasawi sa malakas na pagsabog sa Beirut, Lebanon kaya hindi pa matukoy ang kaniyang pagkakakilanlan.
Sa panayam ng Dobol B sa News TV nitong Lunes, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na nakilala na ang tatlong iba pang Pinoy na nasawi sa naturang trahediya na naganap noong nakaraang linggo.
Taga-Zamboanga del Sur, Isabela, at Guimaras, umano ang tatlo.
“‘Yung pang-apat, hindi natin ma-identify dahil undocumented po ito. Pumasok sa Lebanon na hindi documented OFW,” paliwanag ni Bello.
Umakyat naman sa 47 ang bilang ng mga Pilipino na nasugatan sa nangyaring insidente, at tiniyak ni Bello na binigyan sila ng kaukulang atensiyong medikal.
Sa Agosto 16, inaasahang maiuuwi sa Pilipinas ang apat na nasawi, at ilang OFWs mula sa Beirut.
Itinakda naman ang ikalawang repatriation flight sa Agosto 20, na makakasama naman ang mga Pinoy seafarer na unang iniulat na nawawala matapos ang pagsabog.
Samantala, sinabi ni Bello na mahigit 200,000 aplikasyon pa para sa Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) program sa mga OFWs ang nakabinbin.
“Kaya nga humingi kami ulit and ang bilis talagang tumugon ng ating Pangulo pagdating sa OFW. Agad agad, ‘Sige, okay na ‘yung request ninyo pero kunin ninyo na doon sa binigay naming P5 billion repatriation fund,’” sabi ni Bello.
Tinataya ng kalihim na “little less than P2 billion” ang kukunin sa repatriation fund para gamitin sa AKAP program, na nagbibigay ng perang ayuda sa OFWs.
“Ang nakapending kasi sa AKAP mga 200,000 plus pero hindi naman lahat ‘yan magka-qualify,” paliwanag ni Bello.
Idinagdag ng kalihim na puwede ring makakuha ang mga OFW ng cash at livelihood assistance mula sa pamamahalaan sa pamamagitan ng National Reintegration Program.—FRJ, GMA News