Isang OFW sa Dubai, United Arab Emirates ang napilitang magtinda ng karne para mabuhay at makabili ng ticket pauwi dahil sa COVID-19 pandemic, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.
Umaabot daw sa 10 kilometro ang nilalakad araw-araw ni Marcos Peñaflor, 60 anyos, para i-deliver ang paninda.
Nauwi sa pagtitinda si Marcos nang mawalan siya ng trabaho dahil sa pandemic.
Sinisikap daw niyang kumita para makabili ng ticket pauwi ng Pilipinas.
Kasama rin sa ulat ang isa pang Pilipinong napilitang magtinda ng mangga sa Dubai para mabuhay matapos mawalan ng trabaho.
Ayon naman kay Philippine Consul General Paul Raymond Cortez, tinutugunan nila ang panawagan ng mga Pilipinong gustong nang umuwi. Sa katunayan, umabot na sa halos 3,000 ang nag-apply para sa repatriation.
Hanggang August 17 na lang puwede manatili sa Dubai ang mga overstaying na Pinoy nang walang multa. —KBK, GMA News