Sinimulan na umano ng Pilipinas ang repatriation process ng mahigit 5,000 Pilipino na ilegal umano ang pamamalagi sa Sabah.
Sa televised briefing ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Martes, sinabi ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na ang unang grupo ng mga nakauwi mula sa Sabah ay kinabibilangan ng 395 katao na dumating sa Bongao, Tawi-Tawi noong Sabado.
Pawang negatibo naman umano sa COVID-19 ang grupong umuwi.
“Nakausap na po namin ‘yung mga provincial government na tanggapin nila itong mga taong ito dahil sila po ay COVID-free na. Bago sila umalis sa Malaysia ay na-testing na sila doon. Binayaran na ng DOH [Department of Health] ang kanilang testing doon,” sabi ni Lorenzana.
Ang Department of Social Welfare and Development, Department of Health, Overseas Workers Welfare Administration, at Bureau of Quarantine ang mga pangunahing ahensiya na namamahala sa repatriation effort, habang ang Zamboanga City ang main processing area para sa mga umuuwing Pinoy mula sa Sabah.
Matagal nang inaangkin ng Pilipinas ang Sabah na ginawang bahagi ng Malaysia noong 1963. — FRJ, GMA News