Binigyan umano ng pamahalaan ng Saudi Arabia ang Pilipinas ng hanggang July 4 para maiuwi ang lahat ng mga Pilipino na nasawi doon, pati na ang mga pumanaw dahil sa COVID-19.

Sa Laging Handa public briefing nitong Miyerkules, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, na 274 na mga bangkay ang kailangang maiuwi sa bansa.

“By July 4, dapat maiuwi natin ang ating mga minamahal na kababayan,” sabi ni Bello. “We have to do that dahil kung hindi ay ililibing na ng Saudi government ang ating mga kababayan."

Ayon sa kalihim, ginagawa nila ang lahat para matugunan ang lahat ng requirements na itinakda kabila na ang health protocols, exit visa, pahintulot ng mga employer, pahintulot ng mga next of kin.

"We have to get all of these and we will try to bring them by July 4, mailipad natin sila,” dagdag ng kalihim.

Ayon kay Bello, 301 ang mga nasawing OFWs sa KSA, kung 152  ang nasawi sa COVID-19, at 149 ang pumanaw sa “natural causes.”

Sa 152 na nasawi sa COVID-19, sinabi ni Bello na nailibing na sa KSA ang 23 matapos na pumayag ang kanilang mga kamag-anak.

Samantala, apat naman sa 149 na pumanaw sa iba pang dahilan ang naiuwi na sa bansa.

“So we are now talking of 274... by July 4 ay dapat iuwi natin ‘yan,” sabi ni Bello.

Sa isang pahayag naman, sinabi ng DOLE na tiniyak ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na dadagdagan ang mga airlines na susundo sa mga OFW.

Naghihigpit ang CAAP sa pagmonitor ng mga flights sa bansa para makontrol ang pagkalat ng COVID-19.--FRJ, GMA News