Umiiyak na nagpapasaklolo ang isang overseas Filipino worker (OFW) sa Riyadh, Saudi Arabia dahil sa kawalan ng sapat na pagkain sa shelter na pinagdalhan sa kaniya ng agency. Ang kasama niyang Kenyan, halos buto't balat na raw.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, makikita ang panawagan ni Joan Cruz Ravilo, na dalawang linggo na raw sa shelter na pinagdalhan sa kaniya ng agency.

"Tulungan niyo po ako makauwi sa Pinas, nahirapan na po ako dito. Ilang araw na po kami hindi kumakain. Hirap na hirap na po kami. Tulungan niyo po kami dito," pakiusap ni Ravilo.

"Simula po June 2 hanggang ngayon po, wala pong pagkain, puro bigas lang po pinapakain sa amin. Puro kanin po walang ulam," dagdag niya.

Lagi rin daw nakakandado ang lugar na kaniyang kinaroroonan at may tinatnan siyang Kenyan na halos buto't balat na raw dahil sa kakulangan  nila sa pagkain.

Napag-alaman na dumating sa Riyadh si Ravilo noong Marso at nagtrabaho bilang domestic helper. Pagkaraan pa lang ng ilang linggo, minamaltrato na raw siya ng kaniyang amo.

"Doon sa dating amo ko po. Kaunti lang po 'yung pinapakain sa akin. Overtime sa trabaho tapos po lagi po akong kinakagat nung mga alaga kong bata," saad niya.

Nitong Hunyo, ibinalik si Ravilo sa kaniyang agency at dinala sa shelter kung saan panibagong pagsubok ang kaniyang naranasan.

Ang ina ni Ravilo na si Josefina Cruz, labis na nag-aalala sa kalagayan ng anak at nanawagan din na tulungan itong makauwi na sa bansa.

"Parang awa n'yo na po, humihingi po kami ng tulong sa inyo. Magawan agad ng paraan na makauwi po ang anak ko," hiling ni Cruz.

"Nananawagan po ako sa may mga mataas po. Kay Pangulong Duterte po, sa lahat na po ng puwedeng tumulong sa amin, sana po matulungan ninyo ang aking asawa. Gusto ko na po siyang makapiling at ang kanyang pamilya po," pakiusap naman ng  asawa ni Ravilo na si Romell.--FRJ, GMA News