Isang Pinoy na nagtatrabaho sa Abu Dhabi, United Arab Emirates, ang nagpositibo sa COVID-19. Pero itinago niya ito sa kaniyang 75-anyos na ina na nakararanas ng hypertension, hanggang sa gumaling siya.
Sa kuwento ng "Survivors" ng GMA Public Affairs, itinampok ang kuwento ni Zack Allen, isang singer at visual merchandiser na 14 na taon nang nagtatrabaho sa UAE.
Ayaw daw niyang mag-alala ang kaniyang inang si Rosario Almoite para sa kaniya.
"May fear ka rin na siyempre may hypertension ang nanay ko, 'pag nalaman niya na maysakit ako or 'pag nalaman niya na na-hospital ako tapos ganoon ang hitsura ko. 'Yung fear na 'yun na ayaw ko pasabi sa nanay ko," saad ni Zack.
“Ako 'yung mama's boy, mahal na mahal ko 'yung nanay ko kasi mula nu'ng bata ako sa nanay ako eh,” dagdag niya.
Bago nito, ikinuwento ni Zack na sumali siya sa isang COVID-19 mass testing operation ng gobyerno noong Abril para sa mga establisyimento na magbubukas pagkatapos ng lockdown sa katapusan ng Marso.
“Doon pa lang sa gathering na 'yun, nakakatakot kasi hindi lahat nasusunod 'yung social distancing, tapos ang dami-daming tao na dumadaan sayo, tapos 'yung sa bus din punuan. So andoon pa rin, andoon agad 'yung fear na baka nandoon 'yung virus. Hindi natin kasi alam kung sino ang meron at sino ang wala,” sabi ni Zack.
Nagpakita na si Zack ng sintomas ilang araw matapos ang Abril 26, at hindi siya pinayagang magtrabaho ng retail shop na pinapasukan niya.
"Masakit na 'yung katawan ko tapos inuubo tapos sa gabi nilalagnat ako. Ang inisip ko trangkaso,” sabi niya. “Hanggang sa dumating sa point na nagchi-chill ako. Alam mo 'yung tipong 'yung binti tumatalon ng mag-isa na 'pag sa gabi balutin man ako ng tatlo, apat, lima na kumot hindi ako mabigyan ng init."
“Tapos, ayan na 'yung ubo na hindi ko malaman kung 'pag umubo ako na, alam mo 'yung parang bubuka 'yung dibdib ko sa sakit ng chest ko sa 'pag umuubo ako.”
Dahil dito, nakiusap na si Zack sa kaniyang housemate na dalhin siya sa ospital. Mayo 10 nang siya ay magpositibo.
Samantala, naiwan naman si Rosario sa Pilipinas. Tatlo sa kaniyang mga anak ang nagtatrabaho sa UAE, kasama na si Zack na tumayo na bilang breadwinner ng pamilya.
"Siyempre nag-aalala ako tungkol sa kanila, sinasabi ko na wala silang pakialam at iyon lang, mga kapatid. Ngunit ang tanging payo ko lamang ay panatilihin ang mga ito sa Dubai, " ani Rosario.
Lubhang nag-alala si Zack dahil bukod sa COVID-19, iniinda rin niya ang pneumonia at type-2 diabetes.
“Naisip ko na mamamatay ako, naisip ko talaga ’yun... Andoon ’yung takot, kasi siyempre nababasa ko na may mga nawawala o hindi nakakayanan ’yung COVID kaya namamatay sila. So, sa akin hindi ko alam kung hanggang kailan ako," sabi ni Zack.
Hindi naman nagawa ng mga kapatid niya na nasa UAE na bisitahin siya sa ospital dahil sa lockdown. Matapos ang kanilang mahabang pag-uusap, nagpasya si Zack at kaniyang mga kapatid na ilihim ang kaniyang sakit sa kanilang 75-anyos na ina.
Bukod sa pananalig sa Diyos, humugot din si Zack ng lakas sa hilig niya sa musika sa pamamagitan ng pagkanta sa ospital kahit nahihirapan.
Matapos ang plasma treatment, bumuti na ang lagay ni Zack.
Mayo 25 nang ideklara na siyang COVID-19 free at na-discharge sa ospital.
Ikinuwento ni Zack sa ina ang kaniyang near-death experience sa ika-75 kaarawan nito.
"Siyempre 'yung worry ko dati na alam mo 'yun, baka mamatay ako ta’s hindi namin sinasabi, na ngayon at least okay ako tsaka ko siya nasabi. At least, hindi siya ganu'n na nag-worry,” sabi ni Zack.-- FRJ, GMA News