Mabilis na napauwi ang mahigit 300 seafarers matapos lumabas ang kaagad ang resulta ng kanilang swab test sa loob lamang ng tatlong araw.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News "Unang Balita" nitong Miyerkoles, sinabing Hunyo 6 nang patuluyin ang mga marino sa isang hotel sa Clark Hills, Pampanga matapos silang lumapag sa Clark International Airport mula sa Caribbean.
Matatandaan na naging usapin noon ang mabagal na paglabas ng resulta ng COVID-19 test ng mga OFW kaya mayroon sa kanilang umabot ng mahigit isang buwan sa mga hotel na ginawang quarantine facilities.
"Simula sa eroplano mabilis 'yung proseso tapos may nag-a-assist na sa amin sa airport kung saan kami dapat pumunta. Tapos pagdating din sa swab test ina-assist din nila kami papuntang immigration hanggang sa pagdating ng hotel," sabi ng isang babaeng OFW.
"Alam niyo ba na napagalitan kami dahil ang daming mga OFW na stranded sa Metro Manila kaya ayaw na naming maulit 'yon kaya ito ang unang pruweba," sabi ni Sec. Silvestre Bello III.
Sinabi ni National Task Force on COVID-19 Deputy Chief Implementer Sec. Vince Dizon, na naging malaking problema noon ang dami ng mga dumating na OFWs.
"Una kailangang maplano nang mabuti, ang naging problema talagang malaki noong una is 'yung volume, 'yung dagsa ng dami ng mga flights at dami ng mga kababayan natin sa isang airport lang. Ngayon dini-decentralize natin," paliwanag ni Dizon.
Apat ang nagpositibo sa virus sa 600 OFW na umuwi noong Biyernes at Sabado, habang pito ang nakabinbin ang resulta.
Isinakay sa bus ang mga naghihintay na OFW at inabutan din sila ng ayudang bigas.
Ilan ang papunta ng Metro Manila, samantalang ang ilan naman ay palipad ng probinsiya sa NAIA o Clark International Airport.
Sinabi ng DOLE na pinapayagan nang makalabas ng bansa ang mga seafarer.
Ikinatuwa ito ng seaman na si Ronald Allan Ortiz ng Valenzuela City, nagdiriwang ng kaniyang kaarawan.
"Maganda, at least maghihintay lang kami ng parang bakasyon din, at least makakabalik na ulit kami sa trabaho," sabi ni Ortiz.--Jamil Santos/FRJ, GMA News