Umabot na umano sa 43,000 overseas Filipino Workers (OFWs) na bumalik sa bansa dahil sa krisis sanhi ng COVID-19 ang natulungang makauwi sa kani-kanilang probinsiya, ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
"As of last night, since May 15, mga 43,000... Umakyat na po sa 43,000 since May 15 'yung inter-agency efforts, DOLE [Department of Labor and Employment], OWWA, CAAP [Civil Aviation Authority of the Philippines], PCG [Philippine Coast Guard], PPA [Philippine Ports Authority], mga inter-agency under IATF [Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases] ay 'yan ang naisagawa... 43,000 as of last night and since May 15," pahayag ni OWWA administrator Hans Leo Cacdac sa panayam sa "Dobol B sa News TV" nitong Martes.
Sa ngayon, nasa tinatayang 3,500 na OFWs pa ang nasa mga hotel na nagsisilbi nilang quarantine facilities.
"Alam natin may mga resulta na 'yung higit 2,500 so ongoing 'yung efforts ng papapauwi sa kanila," sabi ni Cacdac.
Ayon pa sa opisyal, inaasahan ng pamahalaan na mayroong 16,000 OFWs ang darating sa bansa ngayong buwan.
"Isinasagawa na 'yung efforts sa pag-o-organize. In fact nasa Clark kami ngayon para sa event na related doon... 'yung mga nag-land...," saad ni Cacdac. "May mga repatriation flights na na isinasaayos ang embahada at mga POLO [Philippine Overseas Labor Office]."
Kasabay nito, sinabi ni Cacdac na inihahanda na rin ng ahensiya ang mga panuntunan para sa pagpapalabas ng P10,000 immediate cash relief na ibibigay sa mga aktibong miyembro ng OWWA.—FRJ, GMA News