Binigyan ng pagkilala ng mga medical worker sa isang ospital sa New York City ang dedikasyon sa trabaho ng isang 63-anyos na Pinay nurse na nasawi sa pakikipaglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
"Mama Guia" ang tawag ng mga medical worker ng Kings County Hospital, sa pumanaw na si Maria Guia Cabillon, ang head nurse ng nabanggit na pagamutan.
Sa pagpanaw ni Cabillon, nagsama-sama ang kaniyang mga nakatrabaho para magbigay ng pagpupugay sa 30-taon ng kaniyang paglilingkod.
Nagpalipad sila ng asul at puting mga lobo, at bumusina ang mga ambulansiya.
"I didn't know and I did not understand how she touched so many lives but I am very, very happy and I'm very grateful for everybody," sabi ng anak ni Cabillon na si Fatima, sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes.
Sa kabila ng panganib ng COVID-19 sa mga nakatatandang tulad niya, mas pinili ni Cabillon na gampanan pa rin ang kaniyang sinumpaang tungkulin.
Sumunod sa kaniyang yapak bilang healthcare workers ang kaniyang apat na anak, na baon ang aral ng kanilang ina na laging unahin ang kapakanan ng mga pasyente.
"Knowing mom she will do everything in her power to help others," sabi ni Fatima, nurse din sa New York. "I've never seen fear in her eyes."
"She was like my superhero," patuloy niya. "The first time I saw her at work I was so amazed na she could do that."
Pumanaw si Cabillon noong Abril 26, matapos ang 26 na araw na pakikipaglaban sa COVID-19.
"There are times that you know, when I look at her urn, I cry," sabi ni Fatima. "In the morning, I also cry. Whenever pray I always say, 'Good morning mom, I know you're happy.'" —FRJ, GMA News