Dahil sa coronavirus pandemic, hindi makadaong at dalawang buwan na umanong nasa laot ng Germany ang may 500 tauhan ng isang cruise ship, na karamihan ay mga Pinoy.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing tinatanggihan ng mga bansa sa Europa na makadaong ang barko.
“No’ng pumutok nga ‘tong COVID, hindi na pumayag ‘yung mga lugar dito sa Europe na mag-dock kami. Maraming lugar kaming sinubukang puntahan, ‘di kami tinanggap… HIndi rin kami pinayagan so ang nangyari, nakalutang lang kami sa dagat,” ayon kay Joel Paguntalan, isa sa mga Pinoy na nakasakay sa barko.
Gumagawa na lang umano sila ng paraan para libangin maglibang habang nasa laot.
Noong Abril, inanunsyo umano ng kapitan ng barko na papayagan na silang umuwi. Pero lumitaw na ang mga sakay na European lang ang pinayagang makababa ng barko.
“Ang Asians, for the obvious reasons, kasi kami, mas malayo ‘yung uuwian namin,” ayon kay Paguntalan.
“Okay naman kami dito, kumpleto. ‘Yung kalaban lang naman namin dito is ‘yung uncertainty kung kailan kami makakauwi,” dagdag niya.
Nasa 1,000 umano ang crew ng barko pero 500 na lang ang natitira, na karamihan ay mga Pilipino.--FRJ, GMA News