Humingi ng tulong ang mahigit 100 overseas Filipino workers na nais nang umuwi ng Pilipinas dahil limang buwan na raw silang hindi pinapasahod ng kumpanyang kanilang pinasukan sa Jubail, Saudi Arabia.

Sa "Sumbungan Ng Bayan," sinabing ni-recruit ang mga OFW ng Js Contractor Inc. sa Pilipinas para magtrabaho bilang mga safety officer, foreman, work permit receiver at laborer sa kumpanyang Arkad Engineering and Construction.

Hiniling nila sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na tulungan silang makauwi na sa bansa.

"Kami po 'yung empleyado ng Arkad na gustong gusto nang umuwi," ayon sa isang Pinoy.

"Ako po ay isang taon na rito, gusto ko nang umuwi," saad ng isa pang Pinoy.

"Ako po, mga walong buwan na akong nakatambay, gusto ko nang umuwi, wala akong perang naipapadala sa pamilya. Kailangan na ako ng mga anak ko, asawa," sabi ng isa pang OFW.

Kaya napilitan na rin silang mangutang para mabayaran ang penalty nila sa kanilang resident permit, na dapat ay employer ang nagbabayad.

"Tukoy na natin 'yung mga kumpanyang nasasangkot. Ito rin actually at some point in time, nadalaw ko rin noong huli kong punta sa Saudi," sabi ni OWWA Administrator Hans Cacdac.

"Matagal-tagal na rin kasi na sila ay ninanais umuwi at hinahanda na 'yung kanilang repatriation for special flights. Alam mo, mayroon kasing lockdown ngayon sa Saudi, 24 hr curfew. Ang pinakamalalang pag-implement nito is doon sa eastern side where Jubail is," patuloy ng opisyal.

Paliwanag pa ni Cacdac, naantala lang ang pagpapauwi sa kanila dahil sa COVID-19. Pero tiniyak niyang may mga nakahandang tulong pangkabuhayan at trabaho para sa mga hindi pa makauwing OFW.

Mayroon namang valid license for recruitment mula sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang JS Contractor Inc pero pinaiimbestigahan na ito.

Nakarating na rin daw sa JS Contractor na hindi napapasahod ng Arkad ang mga OFW, kaya hindi na sila muling nag-deploy pa ng mga Pilipino sa kumpanya. Dinulog na rin nila sa POLO.

Kinuhanan ng pahayag ng GMA News ang Arkad sa pamamagitan ng e-mail at private message pero hindi pa ito nagbibigay ng tugon. --FRJ, GMA News