Nakapagtala ng 48 panibagong kaso ng COVID-19 sa mga Pinoy na nasa abroad para sa kabuuang bilang na 1,867, ayon sa datos ng Department of Foreign Affairs. Ang maganda umanong balita, hindi nadagdagan ang bilang ng mga pumanaw dahil sa komplikasyon na dulot ng virus.

Sa impormasyong inilabas ng DFA sa kanilang Twitter account nitong Martes, nakasaad na 214 ang bilang ng mga Pinoy sa abroad na nasawi sa virus.

Umabot naman sa 513 ang gumaling na at 1,140 pa ang ginagamot.

"There are no new deaths reported today among our nationals abroad, which is a first in the past two weeks of reporting and monitoring by the DFA. We carry the same hope of everyone for this trend to continue," ayon sa DFA.

"While there are 48 new cases today, updated figures show that the daily rate of new recoveries is higher than the new confirmed cases," sabi pa sa post.

 

 

Ang Europe ang may pinakamaraming bilang ng mga Pinoy sa abroad na tinamaan ng virus na may kabuuang bilang na 580. Sa naturang bilang, 73 ang nasawi.

Nasa Americas naman ang pinakamaraming Pinoy sa abroad na nasawi dahil sa COVID-19 na umabot sa 120. Nasa 488 naman ang bilang ng mga Pinoy doon na tinamaan ng virus.

Mayroon namang 375 na Pinoy sa Asia Pacific Region ang nagpositibo sa COVID-19, pero nananatiling dalawa lang ang nasawi. Samantalang 424 naman ang mga Pinoy sa Middle East/Africa ang positibo sa COVID-19, na may naitalang 19 na nasawi.--FRJ, GMA News