Buhay na buhay ang bayanihan ng mga Pilipino sa Italy, kung saan ilang overseas Filipino worker (OFW) doon ang nagre-repack ng relief goods at inihahatid mismo sa kanilang mga kababayan na hindi makalabas ng mga bahay at apektado ang hanapbuhay dahil sa umiiral na lockdown bunga ng COVID-19.
"Ang mga kababayan natin halos isang buwan at kalahati na naka-lockdown dito sa amin. Tapos 'yung may mga trabaho dati hindi na rin makapagtrabaho dahil sa lockdown na ito," sabi ni Rey Lapital Rebudal sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.
Ayon kay Rebudal, katuwang niya sa repacking at paghahatid ng relief goods ang ilang kapwa Pilipino.
"Ayan po, kami lang po ang nagre-repack dahil bawal po ang marami. Mga pasta, mga kiwi na prutas, ang dami po. Papamigay natin sa ating mga kababayan," sabi niya sa video post.
Ayon sa ulat, ilan sa mga produktong kanilang ipinamamahagi ay donasyon ng ilang nakaluluwag na mga kapwa Pilipino at ang iba naman ay bigay na ayuda ng pamahalaan ng Italya.
"Medyo nahihirapan 'yung gobyernong Italya ano [sa] paghatid ng mga tulong. So naisipan ko po na kontakin 'yung tinatawag na munisipyo at binigyan kami ng mga goods. At naihatid namin sa ating mga kapwa Pilipino na talagang nangangailangan," dagdag niya.
Aminado si Rebudal na hindi madali ang maghatid ng tulong sa mga kababayan pero sulit daw ang pagod kapag nakita nila ang ngiti ng mga taong nabibigyan nila ng tulong.
"Ang panawagan ko lang po diyan ay sana 'yun nga makinig sila sa kung ano ang inuutusan ng ating gobyerno dahil ikabubuti din natin 'yun na wag na po sana lumabas," sabi ni Rebudal.--FRJ, GMA News