Emosyonal na ibinahagi ng isang Pinay nurse sa Italya ang nararanasan nilang pagsubok bilang frontliner na nag-aasikaso ng mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19. Bagaman hindi madali, wala siyang balak na sumuko para sa kapakanan ng mga pasyenteng umaasa sa kanila.

Sa video post ng nurse na makikita sa Facebook page ng GMA Pinoy TV, malungkot na sinabi ng nurse na katatapos lang niyang umiyak dahil sa pagpanaw ng isa nilang kasamahan.

Sakabila ng nangyari, patuloy daw silang lumalaban at wala nang atrasan.

"We are already contaminated. We just hope that God will continue to protect us," pahayag niya, sabay sabi na puno nang pasyente ang kanilang kuwarto at kalahati sa mga ito ang kompirmadong may COVID-19.

Bagaman aminado siya na nangangamba sila sa kanilang sariling kaligtasan, nangingibabaw pa rin ang kanilang sinumpaang tungkulin.

Hindi rin umano nila nais na talikuran ang kanilang mga pasyente. Kung iiwan daw nila ang kanilang trabaho para iligtas ang sarili, makakarating umano ito sa ibang ospital.

Paliwanag niya, maaari din umanong mag-isip ang mga health worker sa ibang pagamutan kung bakit nila itataya ang kanilang sariling kaligtasan, bagay na ayaw niyang mangyari.

Kung mangyayari umano ito, mapapabayaan ang mga pasyenteng umaasa sa kanila.

"Mahirap. Bahala na lang ang Panginoon sa amin," saad niya habang nagpapahid ng luha.

Inihayag niya na nagre-re-use na sila ng kanilang protective gear at hindi niya tiyak kung kaya pa nitong protektahan sila sa virus.

Habang naghahanda sa kaniyang duty at nagsusuot ng protective gear, sinabi niya na, "I-pray n'yo na lang kami." --FRJ, GMA News